'Sayang mga naihulog ko': Mga residente ng Batangas, nanghihinayang sa kanilang kontribusiyon sa Philhealth

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2020 02:28 AM

LIPA, Batangas - Limang taon nang naghuhulog ng kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang technician na si Glen Cuatriz.

Ang mga magulang niya na nagkakaedad na ang mga benepisyaryo niya. Kaya nang malaman na paubos na umano ang pondo nito, nadismaya siya.

"Siyempre magagamit mo 'yun sa oras ng pangangailangan. Halimbawa, maaksidente o sa pamilya magkasakit ganun. Magagamit at magagamit 'yun," ani Cuatriz.

"Sayang din ang aking naihulog."

Nanghihinayang man sa estado ng Philhealth, wala naman daw magagawa ang ilang contributor sa Batangas.

"Hindi mo naman mahahabol nang basta. Sana naman ay wag ma-abolish," ani Lilian Ramos, isang Philhealth contributor.

"Bilang ahensya sila ng gobyerno, kailangang tulungan ang tao. Nasa kanila dapat yung kapasidad para gumawa ng paraan," saad pa ng isang residente.

Para sa mga empleyadong kagaya ni Cuatriz na kinakaltasan buwan buwan para sa PhilHealth, sana raw gawan ng paraan ang paubos na pondo para na rin sa kanyang magulang na kaniyang benepisyaryo.

Sa pagdinig sa Senado sa alegasyon ng katiwalian at korapsyon sa PhilHealth, sinabi ng ahensiya na paubos na ang reserbang pondo nito para sa 2021. 

Nagbitiw sa puwesto nitong Huwebes ang isa sa mga senior officials ng PhilHealth ilang oras bago magsimula ang ipinatawag na press conference ng ahensya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.