PatrolPH

Ilang SAP beneficiaries sa Las Piñas pumila nang 12 oras bago makuha ang ayuda

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2020 07:39 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Inabot nang mahigit 12 oras sa pagpila sa remittance center ang ilang benepisyaryo ng social amelioration program sa Las Piñas City.

Maaalalang digital o sa pamamagitan ng remittance maaaring kuhanin ng mga benepisyaryo ang ika-2 bugso ng SAP para mabawasan ang pila.

Kasama sa mga pumila ang 64 anyos na benepisyaryong si Heidi Francisco, isang housewife.

Malaking bagay aniya ang makukuhang financial assistance.

“Gutom, puyat, ganun... Naka-tatlong pila na kami, nung Martes pumila na kami. Kasi nakalagay dito sa Star Pay, Aug 7 ang petsa ng aming pagkuha. Eh kaso nga lang pumila kami ng Martes, wala pang 7," ani Francisco.

Inabutan din sila ng biglang buhos ng ulan.

Ang single parent at dating labandera na si Deberly Yusores, planong mag-umpisa ng maliit na negosyo gamit ang makukuhang SAP.

“Balak ko po sanang magtinda ng manok yung P13 ang isa.. Para kahit papaano may income kasi mauubos lang ang pera sa wala e," aniya.

Pawang kasama sina Yusores at Francisco sa mga hindi nakatanggap ng unang batch ng SAP.

Buo nilang makukuha ang P16,000 - P8,000 mula sa unang batch at P8,000 sa ika-2 batch.

Makatatanggap ng text ang benepisyaryo kung saang money remittance center nila makukuha ang pera.

"Ang sa amin lang naman, sinisiguro lang namin, in coordination with the barangay and the police, na ma-maintan ang social distancing... Kasi yan ang ayaw namin mangyari, kaya nga dinaan sa digital payment, para maiwasan na magkagulo," ani Reynaldo Balalugan, City administrator ng Las Piñas.

Pero kailangang pumila nang maaga dahil 100 tao lang kada money remittance center ang tatanggapin.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.