PatrolPH

400 sa QC dinampot dahil sa paglabag sa liquor ban, kawalan ng face mask

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2020 06:13 PM | Updated as of Aug 07 2020 08:14 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Umabot na sa higit 400 ang nadampot ng mga awtoridad ng Quezon City dahil sa iba't ibang paglabag sa mga ordinansa kontra COVID-19.

Inikot ng mga pulis, tanod at mga kawani ng Quezon City Hall
task force disiplina ang Barangay Baesa sa Quirino Highway.
 
Unang nasita ang mga nagkukumpulan sa isang bike shop na lumalabag sa physical distancing.

Pinasok din ng task force disiplina ang mga eskinita at doon kasama sa mga nahuli ang mga walang face mask o di tama ang pagsusuot ng face mask.

Natiyempuhan din ang lalaking may bitbit na alak na kabibili lang sa tindahan sa kabila ng umiiral na liquor ban ng lungsod kasabay ng modified enhanced community quarantine (MECQ).

Nasita at dinampot din ang ilang menor de edad na pagala-gala sa kalye, na bawal ngayong MECQ.

Kakasuhan ang mga nahuli sa paglabag sa ordinansa.

Ilang barangay naman sa 1st at 4th district ng Quezon City ang nagsara ng kani-kanilang kalsada ngayong MECQ para malimitahan ang pagpasok ng mga tagalabas.

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.