'Tulak' nag-wig para subukang makatakas sa mga umaarestong pulis

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2019 02:34 PM

Nagsuot ng wig ang umano ay tulak ng droga para takasan ang mga umaarestong pulis sa Antipolo City. Larawan mula sa Antipolo police

Natimbog sa Antipolo City ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga, na nagsuot pa ng wig nang tangkaing takasan ang mga umaarestong awtoridad, sabi ngayong Miyerkoles ng pulisya.

Sa bisa ng search warrant, naaresto noong tanghali ng Lunes ang suspek na si Bryan de Paz sa kaniyang tirahan sa Barangay Dela Paz at nakuhanan ng P204,000 halaga ng hinihinalang shabu, ayon kay Antipolo police chief Lt. Col. Alvin Ruby Consolacion.

"Nakita natin naka-wig siya para hindi makilala... tumakbo siya at umakyat sa bubong," ani Consolacion.

Nahirapan noon ang mga awtoridad na arestuhin si De Paz sa mga buy-bust operation, ayon kay Consolacion.

"Hindi siya nagbibigay 'pag di niya kilala. Mga operatiba natin, nahirapan mag-buy bust sa kaniya," ani Consolacion.

Bukod sa 9 sachet ng hinihinalang shabu, nakuha rin kay De Paz ang mga drug paraphernalia, isang revolver, at ilang bala.

Inamin ni De Paz ang paggamit sa droga pero itinangging nagtutulak siya.

Itinanggi rin ni De Paz na nag-wig siya para takasan ang pag-aresto.

"Ginagamit ko 'pag umaalis ako. Sinusuot ko lang po," aniya.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.