SAPUL SA CCTV: Tirador ng motorcycle helmet sa Marikina

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2019 12:24 PM

MAYNILA - Tinutugis ngayon ang isang lalaki na umano’y nagnanakaw ng mga helmet sa mga nakaparadang motorsiklo sa Marikina City.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang lalaki na tila dinukot ang isang nakasabit na helmet sa nakaparadang motor sa palengke ng Marikina at lumakad papalayo.

Kuwento ng may-ari na si Alex Secretario, namimili lang siya ng gulay sa palengke.

Mabilis lang aniya siya nawala kaya iniwan niya ang helmet, na nagkakahalagang P3,000; pero hindi niya inakalang matatangay ito sa loob ng ilang minuto.

Nanghinayang ang biktima lalo’t may sentimental value ito at matagal na niyang ginagamit ito.

Ayon naman sa mga tindera sa palengke, hindi ito ang unang pagkakataon na may nakawan ng helmet sa lugar.

Pinablotter na rin ni Secretario ang insidente, na nagsilbi aniyang aral sa kaniya na dalhin ang helmet kung saan pupunta.

Pinaghahanap na ngayon ng pulisya ang magnanakaw.

- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.