Bahagi ng EDSA nagmistulang parking lot dahil sa traffic; yellow lanes sinisi

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2019 08:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv


MAYNILA - Nagmistulang parking lot ang ilang bahagi ng EDSA kasunod ng pagpapatupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng kanilang "yellow lane" policy para sa mga city bus. 

Sa ilalim ng polisiya, dapat manatili ang city buses sa 2 pinakakanang lanes ng EDSA. 

Pero kaninang Miyerkoles, halos wala nang galawan ang daloy ng trapiko sa EDSA, habang maluwag ang mga nasa inner lane kung saan itinalagang dadaan ang mga pribadong sasakyan at provincial buses. 

Ang ilan naman, hindi rin makaliko dahil barado ang yellow lanes. 

Madaming commuters ang nagreklamo dahil nahuli na sila sa kanilang mga dapat puntahan.

"Nilakad ko kasi late na naman ako, papagalitan na naman ako. Nakaka-stress talaga, naiinis ako. Naiiyak lang ako kasi nakakaano sa trabaho eh, nakakaasar," ani Aleli Tomimbang.

Hindi na rin natiis ni Marlen Bereber ang matagal na pagtengga sa kalsada. Wala mang hinahabol na lakad, pero gusto na niyang tumakbo sa banyo.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, nitong araw din ay ipinatupad ang "voluntary" dry run ng provincial bus ban sa EDSA.

Pero tingin ni MMDA General Manager Jojo Garcia ay may nanabotaheng operators dahil wala umanong tumupad kahit pa nangako ang mga ito na lalahok sila sa dry run. . 

"Talagang very unsuccessful 'yan, hindi ko nga alam kung may sumabotahe samin dahil 'yong mga nakabalagbag na bus labasan nang labasan. They want the people to get mad at us," ani Garcia. 

Pero para sa ilang bus driver gaya ni Ryan Adelon na sumunod sa dry run, nakalahati ang kanilang kita.

Tinatayang nasa P600 hanggang P700 lang aniya ang kinita niya ngayon, hindi hamak na mas mababa sa P1,500 hanggang P1,800 na kita niya kada araw. 

— May ulat nina Henry Atuelan, Jeff Canoy, at Doris Bigornia, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.