4 na araw na walang kita: 'Di makapaglayag na boat crew, inayudahan

Hernani D. Escullar, Jr., ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2019 01:06 PM

Patuloy na nagbibigay-tulong ang Department of Social Welfare and Development at maging mga pribadong kumpanya sa mga boat crew na apat na araw nang hindi makapaglayag matapos ang trahedya na ikinamatay ng may 28 katao. Hernani D. Escullar, Jr., ABS-CBN News

Hirap ngayon ang kalagayan ng tinatayang 50 “sakayanon” o crew ng motor banca na naglalayag mula Iloilo papuntang Guimaras matapos ang serye ng trahedya sa dagat nitong nakaraang linggo na ikinamatay ng 28 katao.

Apat na araw na silang walang mapagkunan ng pagkain at umaasa na lamang ng mga donasyon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ibang pribadong sektor sa Parola Wharf sa Iloilo City.

Ayon sa kay Nasyong Palomares, isa sa mga sakayanon, wala na silang damit at wala na halos pahinga dahil sa bangka na lang sila natutulog.

Mula pa sa mga bayan ng Buenavista at Jordan sa Guimaras ang mga apektadong sakayanon.

Naghihintay aniya ang kanilang mga pamilya sa Guimaras at sakaling makauwi ay wala rin silang perang maibibigay pa dahil hindi sila makapaglayag.

Isang kumpaniya naman ang nagbigay ng damit at pagkain para sa mga sakayanon, Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa DSWD 6 Social Welfare Officer na si Lisa Camacho, patuloy ang kanilang pagtulong at handa silang tumanggap ng tulong mula sa mga pribadong kumpanya at indibidwal para makapagbigay ng konting ginhawa sa mga sakayanon.

Tatlong bangka ang lumubog matapos na hampasin ng malakas na alon at hangin sa Iloilo-Guimaras Strait nitong nakaraang linggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.