Inflation muling sumipa nitong Hulyo; mga konsumer nagbahagi ng tipid tips

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2018 09:54 PM | Updated as of Dec 12 2019 05:52 PM

Watch more in iWantTFC


Muling umarangkada ang inflation — o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa — na pumalo sa 5.7 porsiyento nitong Hulyo, ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Tumaas ang presyo ng pagkain at inumin na nagrehistro ng 7.1 porsiyentong increases kumpara noong 2018. Ito ang pinakamataas sa loob ng apat na taon.
 
Gulay ang nagtala ng pinakamataas na dagadag-presyo na mula 8.6 porsiyento noong Hunyo ay umakyat sa 16 porsiyento nitong Hulyo.

Mga konsumer, sapul ng dagdag-presyo

Watch more in iWantTFC

Kasabay ng pagsipa ng inflation, iba-iba na rin ang diskarte na ginagawa ng ilan para matustusan ang kanilang mga pangangailangan.

Kinailangan pa ni Carlo Yumena na isangla ang kaniyang bracelet para makapamili ng pagkain at kagamitan. 

Kuwento niya, P500 ang napamili niya kanina sa palengke, na pagkakasyahin niya sa hanggang tatlong araw.

May ilan pang konsumer tulad na lang ni Zen Soriano na pinapagkasya na lamang ang isang sachet ng kape para sa tatlong tao. 

Itinitimpla niya ang kape sa garapon o pitsel, lalagyan ng kaunting asukal na binili rin nang tingi para magkalasa ito. 

"Dati isang sachet, isang timplahan lang sa isang tao eh, pero ngayon talagang anim na tao na sa dalawang sachet ang iinom kasi talagang ang mahal na," aniya. 

Para naman sa labor group na Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), kailangan nang tugunan ang kanilang hiling na itaas ang sahod ng mga manggagawa.

Inaasahan naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang pagtaas ng inflation ngayong buwan pero naniniwala silang bababa ito sa kanilang target na 2 hanggang 4 porsiyento kalaunan. 

—Ulat nina Jacque Manabat at Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.