PatrolPH

Ilan pang kaso ng abduction sa QC, iniulat

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2018 08:06 PM | Updated as of Aug 08 2018 11:41 PM

Inilapit sa Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Lunes ang dalawa pang insidente ng pagdampot umano ng mga tauhan ng Barangay Commonwealth sa Quezon City.

Dahil sa mga panibagong reklamo, umakyat sa pito ang bilang ng mga nawala mula Enero na iniuugnay sa mga tanod at dating kagawad ng Barangay Commonwealth.

Isa sa mga bagong iniulat na nawawala ay si Rosalie Ibañez na dinampot umano sa Payatas noong Hulyo 24.

Kuwento ng testigong si alyas "Bogart," kabilang umano sa mga dumampot kay Ibañez sina Jason Mahilom at ang dating kagawad na si Chris De Lima.

Magugunitang unang nadawit sina Mahilom at De Lima sa pagkawala noong nakaraang buwan ng 21 anyos na si Arnold Jansen Agustin. 

Ayon kay Bogart, si De Lima ang nagbibigay ng utos sa mga kasamahan habang may dinadampot sila.

Bukod kay De Lima, kasama rin umanong dumampot kay Ibañez sina Jerome Bordeos, Norman Madrid, Leo Magtangob, Richard Lazaro at Winston Navarro.

Kinabukasan, bumisita raw sa barangay ang kinakasama ni Ibañez na si Joel Franco para dalhan siya ng pagkain pero nawala rin ito.

Noon namang Abril 5, kinuha rin umano ng parehong grupo si Jessie Ferrer, ayon sa kapatid nitong si Ronny.

Hiningan pa umano ng pera ni De Lima si Ronny para matubos ang kapatid subalit nawala ulit ito noong Abril 20.

Bukod kina Ibañez, Agustin, Franco at Ferrer, may magkapatid na Sultan na dinampot naman umano noong Marso 26 at si Ervin Zabala noong Pebrero 2.

Nakipagpulong din noong Lunes si DILG undersecretary for barangay affairs Martin Diño kay Manuel Co, chairman ng Barangay Commonwealth.

Nagsampa na rin ng kaukulang kaso ang mga kaanak nina Ibañez, Franco at Ferrer laban sa mga suspek.

Patuloy ang pagtugis sa 14 suspek na isinasangkot sa mga abduction.

-- Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.