'Desperado na ba?' Concom member, nabahala sa 'pepedederalismo'

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2018 10:18 PM | Updated as of Aug 08 2018 12:32 AM

Nagpahayag ng pagkabahala ang isang miyembro ng consultative committee (Concom) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa posibleng epekto ng kontrobersiyal na "pepedederalismo" video na nag-viral kamakailan. 

"Siyempre talagang nakikita na parang, 'Ano ba, desperado na ba ang pagpapalaganap ng seryosong konsepto ng pederalismo?'" ani Edmund Tayao.

Isa ang political science professor na si Tayao sa mga miyembro ng Concom na binuo ni Duterte para magbalangkas ng federal charter.

Ibinahagi noong Huwebes ni Communications Assistant Secretary Margaux "Mocha" Uson sa kaniyang Facebook page ang isang episode ng "Good News Game Show," kung saan tampok sila ng kaniyang co-host at social media personality na si Drew Olivar.

Sa simula ng video, mapapanood si Olivar na inaawit ang mga linyang "Ipepe, ipepe. Idede, idede. Ipede, pede, pede, pederalismo!" habang nagsasayaw. Kabilang sa steps ay ang pagturo o pagmuwestra ni Olivar sa dibdib at sa pagitan ng kanyang mga hita.

Pero para naman sa tagapagsalita ng Concom na si Ding Generoso, posibleng may "magandang epekto" sa kampanya ang video.

"Somehow, the word 'pederalismo' almost became a household word because of this incident," sabi ni Generoso sa panayam ng ANC.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ipinagkibit-balikat lang ni Duterte ang isyu.

"He wasn't laughing. He was, as I said, 'cool'. It was freedom of expression. He is a staunch advocate of freedom of expression kaya nga mahilig magmura," sabi ni Roque sa press briefing.

Dagdag pa ni Roque, kung may gustong magreklamo kay Uson, maaari naman itong ireklamo sa angkop na opisina.

Inulan ng batikos ang video mula sa mga netizen, mambabatas, at isa pang miyembro ng Concom na si Fr. Ranhilio Aquino dahil umano sa pagiging bastos.

SAGOT NI USON

Sa isang Facebook post, bumuwelta si Uson sa mga nambabatikos sa kaniya, partikular sa mga senador.

Ayon sa kaniya, ang mga senador ang totoong bastos dahil nililihis umano nila ang isyung dayaan sa 2016 halalan.

Pinigilan umano nilang magsalita sa isang Senate hearing ang resource speaker na si Glenn Chong.

"Ako nagtitimpi lang dito sa ILANG mga Senador na ito. Matagal niyo nang pinaglalaruan ang taumbayan," isinulat ni Uson sa post.

"Bakit niyo pinipigilan si Atty Glenn Chong at nililihis ang issue???? Nakinabang ba kayo sa dayaan??? O nakinabang ba ang mga kaibigan ninyo???? KAYO ANG BASTOS!!!" dagdag pa ng opisyal.

Pero ayon kay Sen. Koko Pimentel, hindi bababa sa tatlong beses na nagsalita si Chong sa hearing.

—Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.