PatrolPH

3 lalaki patay matapos 'manlaban' sa buy-bust sa N. Mindanao

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2018 05:00 AM

MISAMIS ORIENTAL - Patay ang 3 drug suspect sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Northern Mindanao.

Sa Balingasag, Misamis Oriental, nanlaban umano si Armando Recometa sa mga pulis noong Sabado.

“Nang nahalata niya na huhulihin na siya ng aming tropa, binunot niya ang kaniyang baril at pinaputukan kami,” ani PO3 Alvin Ral, investigator ng Balingasag Municipal Police Station.

Nakuha kay Recometa ang isang kalibre .38 na baril at isang pakete ng hinihinalang shabu.

Nahuli na ang suspek noong 2015 sa kasong robbery with homicide at frustrated homicide.

Samantala, nauwi sa engkuwentro ang operasyon sa Jasaan, Misamis Oriental nitong Lunes na ikinamatay ni Cyber Ebon.

“Huhulihin na sana namin siya pero nagtangka siyang tumakas. Habang tumatakbo, pinaputukan niya kami,” ani Chief Insp. Rogelio Labor, hepe ng Jasaan Municipal Police Station.

Nitong Hulyo lang nakalaya ang suspek dahil sa ilegal na droga.

Nakuha kay Ebon ang isang kalibre .38 na baril at 2 pakete ng hinihinalang shabu.

Sa Lantapan, Bukidnon naman, nagpaputok din umano si Reymand Dela Victoria sa mga pulis noong Linggo ng hapon.

Narekober sa suspek ang isang kalibre .45 na baril at ilang pakete ng umano'y shabu at marijuana.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.