Mandatong 'magtakong' ang mga empleyada, tinutulan

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2017 08:54 PM | Updated as of Aug 07 2017 11:15 PM

Nanawagan ang grupo ng mga unyon na ipagbawal ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pag-obliga ng ilang kompanya sa mga babaing empleyado na magsuot ng sapatos na may mataas na takong o 'high-heeled shoes' sa trabaho.

Ayon sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), maaari itong magdulot ng banta sa kaligtasan at kalusugan ng mga empleyada.

"We received many persistent complaints from salesladies working in department stores and malls that they are in pain walking and standing for long hours performing their jobs in high-heel shoes," ani Gerard Seno, ALU national executive vice president.

Ikinababahala rin ng grupo na maaaring magkaroon ng pangmatagalang danyos sa kalusugan ang palagiang pagsuot ng high-heeled shoes sa trabaho.

Dagdag ni Seno, hindi lang mga saleslady ang dapat na sakop ng itinutulak na patakaran. Kasama rin umano ang promodizers sa supermarkets, waitresses, hotel and restaurant receptionists at flight attendants.

Bukod sa sakit, inirereklamo rin ng mga empleyadong babae ang injury na kanilang nakukuha tulad ng pagkakadulas, pagbagsak, at pagkakatapilok habang suot ang kanilang sapatos na may mataas na takong. 

Dapat na umano itong matigil dahil hindi dapat pinipilit ang mga babaing magsuot ng mataas na takong na labag sa kanilang kalooban, ani Seno.

Sa kasalukuyan, walang umiiral na regulasyon na nagpapatupad ng pagsuot ng high-heeled shoes sa trabaho kaya ibinibigay na ang pagpapasya sa mga employer. 

Kaya naman, walang magagawa ang mga empleyada kundi sumunod sa polisiya ng kompanya.

Hinihimok din ng grupo ang Commission on Higher Education na gumawa ng regulasyon na magbabawal sa mga babaeng estudyante lalo na ang mga kumukuha ng training o kurso sa hospitality and guest relations na magsuot ng sapatos na mataas ang takong.

Lumabas din umano sa pag-aaral ng mga mananaliksik sa University of Aberdeen sa United Kingdom na maaaring magkaroon ng diperensiya sa postura ang mga nagsusuot ng high heels.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.