Espenido, itinangging hawak nila ang vault ng mga Parojinog

ABS-CBN News

Posted at Aug 07 2017 09:07 PM

Itinanggi ni Ozamiz City Police Chief Inspector Jovie Espenido na hawak nila ang vault na sinasabing nawawala sa bahay ng mga Parojinog matapos ang isinagawang raid dalawang linggo na ang nakararaan.

Sinabi ni Espenido na idinokumento nila ang vault pero hindi na niya ito muling nakita. Hindi umano nila nabuksan noong araw na ‘yun ang vault dahil mayroong code kaya sinelyuhan na lang nila ito ng masking tape habang nasa labas ng istasyon ng Ozamiz City police noong mismong araw ng raid. 

Tumanggi munang magbigay ng komento ang Criminal Investigation and Detection Group Region 10 tungkol sa vault. 

Ayon sa mga kaanak ng mga Parojinog, mga titulo ng lupa lang ang laman ng vault. Bahala na raw dito ang kanilang abogado.

Ipinakita rin ng pamilya ang sulat na ibinigay ni Vice Mayor Nova Parojinog sa kanyang anak na isinulat sa isang paper plate.

Sa sulat, nagpasalamat ang bise mayor sa patuloy na sumusuporta sa kanila sa kabila ng hinaharap nilang sitwasyon.

Patuloy daw silang lalaban sa legal na paraan ng kanyang kapatid na si Reynaldo Parojinog Jr. 

Noong Hulyo 30, kasama sa mga na-video-han ng ABS-CBN ang sako sa tabi ng vault na naglalaman ng cellphone, magazine ng baril at iba pang dokumento na minarkahan ng mga awtoridad na kabilang sa mga ebidensiya. 

--Ulat ni Angelo Andrade, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.