TFC News

Pinoy-Belgians umaasa ng pagkakaisa sa panguluhunan ni PBBM

Raquel Bernal-Crisostomo | TFC News Belgium

Posted at Aug 06 2022 02:26 PM

BRUSSELS - Tinutukan ng mga Pilipino sa Belgium ang kauna-unahang SONA ni President Bongbong Marcos noong July 25.

Umaasa ang supporters ni PBBM sa Belgium na tuluyan nang magkakaisa ang mga Pilipino, kahit pa nga iba ang sinuportahang kandidato noong eleksyon. 

SONA ni BBM
ABS-CBN News photo

Kaya sa kanilang unity celebration bago ang SONA, gumamit sila ng iba’t ibang kulay ng mga lobo bilang tanda ng pagkakaisa.

May mga umawit din at nagpamalas ng katutubong sayaw, tanda raw ng pagkilala ng Pangulo sa mga indigenous people.

Inaasahan nila na pagtutuunan ng pansin ng bagong administrasyon ang agrikultura, elektrisidad, telecommunications, at mga pabahay para sa mga mahihirap. 

SONA palakpakan
ABS-CBN News photo

“Yung nabuong gabinete ni Pangulong Marcos, ang kanilang loyalty ay sa bansang Pilipinas at Pilipino,” sabi ni Zeny Duterte, sumuporta sa Marcos-Duterte tandem.

“Ang labanan na lang natin ngayon, mga problema ng mga Pilipino,” sabi ni Nenita Poklalay Tindaan, Pinay sa Belgium. 

RTVM
Ang kauna-unahang pulong ng gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos | RTVM photo

Pero mayroon ding pumuna sa SONA ng Pangulo at nakulangan sa mga plano ng bagong administrasyon.

“Para sa akin mas matunog yung wala sa SONA kaysa sa ‘yung nasa SONA. Hindi pa rin makapag-keep up ang mga guro tungkol sa kung ano talaga ang konkretong plano para ligtas na makabalik sa eskuwela ang ating mga mag-aaral,” sabi ni Asher Serrana, 1Sambayan coordinator sa Belgium.

May puna rin sa pagbabalik ng mandatory ROTC. “Ito ba talaga ang prayoridad ng administrasyon para mai-angat ang kalidad ng edukasyon?” tanong ni Serrana.

Nababahala rin sya sa pagbibigay ng lupa sa mga beterano, pulis at sa sandatahang-lakas.

“Ang tanong dito saan manggagaling yung lupa na ibibigay sa mga dating kawani ng pulis at sandatahang- lakas,” dagdag ni Serrana.

Patuloy namang nakatutok ang mga Pinoy sa Belgium sa mga susunod na plano at aksyon ni Pangulong Bongbong Marcos, lalo na sa mga binitawan niyang pangako sa SONA, na may malaking epekto sa ordinaryong Pilipino, maging sa OFWs.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Europa, Gitnang Silangan at Africa, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.