PatrolPH

3 helicopters nag-emergency landing sa Quezon dahil sa sama ng panahon

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2022 01:01 PM

Tatlong helicopters — dalawa sa PNP at isang private — ang nag-emergency landing sa lalawigan ng Quezon dahil sa masamang panahon nitong Biyernes.

Sa report ng Quezon Police Provincial Office, alas-8 ng umaga nang mag-emergency landing ang private helicopter na may sakay na dalawang tao sa baybaying dagat ng Brgy. Sabang, bayan ng Tagkawayan.

Galing Legazpi City ang RP-C8500 Robinson Helicopter Company R44 II sakay ang piloto at flight mechanic nang makaranas sila ng poor visibility dahil sa malakas na pag-ulan sa bahagi ng Quezon.

Dalawang PNP Airbus helicopters naman na galing bayan ng Catarman, Samar patungong Maynila ang nag-emergency landing sa isang resort sa bayan ng Pagbilao dakong alas-2:30 ng hapon.

Umalis ang mga ito sa Catarman alas-10:30 ng umaga pero pagdating sa Quezon ay nakaranas din ang mga piloto ng poor visibility kaya napilitang ibaba muna ang mga chopper.

Ligtas ang pitong sakay ng mga helicopter.

Nakaranas ng halos maghapong pag-ulan ang Quezon dahil sa low pressure area na dumaan malapit sa lalawigan.

—Ulat ni Ronilo Dagos

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.