PatrolPH

2 bayan sa Mt. Province isinailalim sa state of calamity dahil sa lindol

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2022 08:08 PM

Larawan mula sa LGU Besao
Larawan mula sa LGU Besao

Isinailalim sa state of calamity nitong Huwebes ang bayan ng Bauko sa Mountain Province dahil sa pinsala ng magnitude 7 na lindol noong Hulyo 27.

Ang state of calamity ay aprubado ng Sangguniang Bayan sa ilalim ng Resolution Number 2022-092.

Sa datos ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, umabot na sa P173,333,483.62 ang halaga ng pinsala sa lahat ng sektor kabilang na ang agrikultura, imprastraktura at turismo ng bayan.

Kabilang din sa napinsala ang municipal building na sasailalim sa tatlong buwan na rehabilitasyon ayon sa Engineering Department ng LGU Bauko.

Sa ngayon, inilipat muna sa municipal gym, auditorium at regional evacuation center ang mga apektadong opisina at empleyado.

Nasa 6,602 indibidwal naman ang apektado habang 22 ang naitalang nasugatan o nasaktan at may isang namatay dahil sa lindol.

Patuloy ang clearing operation sa Mt. Data Cliff, Bauko, Mountain Province kung saan nananatiling sarado ang bahagi ng Halsema Highway dahil sa rockslide bunsod pa rin ng lindol.

Inaasahang sa susunod na mga araw ay mabubuksan na rin ang kalsada doon. Pero sa ngayon, pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga itinalagang alternatibong kalsada.

Maaring dumaan ang mga light vehicles sa Sadsadan-Salin-Balicanao Provincial Road, habang pwedeng dumaan ang lahat ng uri ng sasakyan sa Abatan, Bugiuas-Mankayan-Cervantes-Tadian-Bontoc Road.

Sa advisory naman ng DPWH Mountain Province District Engineering Office ngayong Sabado, sarado rin ang bahagi ng Mt. Province-Cagayan via Tabuk-Enrile Road dahil sa muling pagguho ng lupa at mga bato. Nagsasagawa na ng clearing operation sa nasabing kalsada.

Nauna nang isinailalim sa state of calamity noong Lunes ang bayan ng Besao dahil din sa pinsala lindol.

Sa datos ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, umabot na sa P147,750,000 ang halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastraktura.

Kabilang sa mga naapektuhan ang 27 paaralan, isang hospital, 21 gusali ng gobyerno, isang communal irrigation system, pitong simbahan at limang kalsada.

Samantala, nagsasagawa ngayon ng pagsusuri at validation ang Phivolcs sa sa mga bitak na nakita sa bayan ng Tadian na hinihinalang dulot din ng lindol.

Ayon sa Mountain Province DRRMO, isang pamilya na kinabibilangan ng apat na indibidwal mula Barangay Poblacion at isang pamilya na kinabibilangan ng apat na indibidwal mula Barangay Sumadel ang pinalikas dahil sa peligro ng landslide.

Pansamantala silang nanunuluyan ngayon sa mga kamag-anak. - Ulat ni Harris Julio

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.