PatrolPH

Mga karinderya umaaray na sa unang araw pa lang ng ECQ

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2021 09:07 PM | Updated as of Aug 07 2021 07:17 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Unang araw pa lang ng bagong enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila ay umaaray na ang mga maliit na karinderya dahil bukod sa pagbabawal sa dine-in, hindi rin sila makasabay sa online delivery service.

"Kakagaling lang natin ulit sa ECQ noong nakaraang April so parang hindi pa tayo nakaka-recover. Tuloy-tuloy ang bayad natin ng ilaw, tubig," hinaing ni Maria Corazon Apalla, may-ari ng karinderya.

"Bawal magpakain, hinuhuli. Wala tuloy kaming benta. 'Yung iba gusto kumain, di puwede kumakin, umaalis na lang. Ayaw mag-takeout," sabi naman ni Ditas Macaraig, isa pang may karinderya. 

Ang online delivery app rider na si William Caballero, nagpasyang mag-takeout at kumain na lang sa tabi ng kalye. Kuwento nya, dagsa naman ang customers nila.

Pero para sa mga maliliit na eatery, dine-in lang ang inaasahan nila para kumita. 

Hindi rin sila puwedeng magsara kahit matumal ang benta, dahil wala naman silang ibang pinagkukuhanan ng pang araw-araw na gastusin.

Panawagan nila, payagan ang dine-in na may health protocols, at pabilisin ang pagbibigay ng ayuda.

"Kaya nagtitiis kami kahit pakonti-konti, magtitinda kami. Sana naman po payagan kahit 2 tao, isang tao kumain," ani Macaraig.

"Ayuda importante. Kaso nga lang, hanggang ngayon, wala naman kaming nabalitaan kung may ayuda na darating, eh wala," sabi naman ni Vergie Mecenas, isa pang mag-ari ng karinderya. 

Inireklamo rin ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na kakarampot nga ang ayudang ipinangako ng gobyerno, nahuli pa ang pagbibigay nito.

"Nasaan na ang ayuda? Nagsimula na ang ECQ pero wala pa din maski ang kakarampot na tulong na pinangako ng administrasyong Duterte," aniya.

Nauna ng sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua na lagpas 100,000 Pilipino ang madadagdag sa mga mahihirap habang lampas 400,000 ang mawawalan ng trabaho dahil sa Metro Manila ECQ.

—Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.