PatrolPH

Bentahan sa Divisoria, matumal ulit sa pagbalik ng ECQ sa NCR

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2021 07:32 AM

MAYNILA - Magdamagan pa rin ang palengke sa Divisoria kahit muli na namang nakasailalim ang Metro Manila sa enhanced community quarantine nitong Biyernes.

Pero gaya ng inaasahan, kaunti lang ang mga namimili dahil sa curfew. Kung dati, marami pa ang namimili kahit madaling araw, hindi naman daw makalabas ang kanilang mga suki dahil mas mahigpit na ngayo ang ECQ.

Ayon sa mga nagtitinda, halos wala pang kalahati ng karaniwan nilang kita ang maiuuwi nila ngayong araw sa tumal ng bentahan.
Hindi na kasi muna magbubukas ang ilang mga suki nilang establisimiyento tulad ng mga karinderya.

Dismayado ang ilan sa mga nagtitinda na babawi pa lang sana mula sa nakaraang ECQ pero muli na namang mag-aadjust dahil halos walang namimili.

Balak nilang bawasan din ang kanilang order sa mga supplier para maiwasang malugi at masiraan ng paninda.

Nangangamba pa rin kasi sila na mas maghigpit pa sa mga susunod na araw at lalong kumonti ang makapamimili sa Divisoria.

“Tumal kasi konti buyer. Walang namimili masyado. Take out lang, walang restaurant. Wala pang pasok," ani Annabelle Ibañez, isang tindera.

"Medyo matumal ngayon katulad ng mga nakaraan. Nakaubos naman kami kasi nag-alalay lang kami, kasi baka biglang tumumal, kasi di ba naka-lockdown ibang lugar," dagdag ni Gina de Castro, isang tindera din.

Sa command conference ni Manila Mayor Isko Moreno nitong Huwebes kasama ang Manila Police District, isa sa mga bilin ng alkalde na hindi dapat isara ang Recto para sa night market ngayong ECQ.

Tuloy-tuloy rin dapat ang pagpasok ng delivery ng mga gulay, karne, at prutas sa Divisoria lalo’t may mga kumukuha pa rin dito ng supply mula sa mga karatig-lungsod.

Ngayon pa lang, kaunti na ang nagbabagsak ng gulay mula Baguio at Isabela dahil may mga hindi na raw pinilit bumiyahe sa takot na maipit sa ECQ sa NCR.

Inaasahan na tataas pa ang presyo ng gulay sa Divisoria sa mga susunod na araw.

—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.