P80-M halaga ng pekeng face masks, sigarilyo nakumpiska sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2020 01:22 PM

Nasabat noong Miyerkoles ng mga awtoridad ang nasa P80 milyon halaga ng mga ipinuslit na pekeng face masks at sigarilyo sa isang warehouse sa bayan ng Marilao, Bulacan, ayon sa Bureau of Customs.

Sa bisa ng letter of authority, sinalakay ng mga tauhan ng Customs Enforcement and Security Service ang naturang warehouse sa Barangay Santa Rosa.

Natuklasan doon ang umano'y 648 kahon ng mga pekeng N-95 mask na handa na sanang i-deliver sa merkado.

Bukod sa peke, nilagyan din umano ng mga disenyo at logo ng ilang sikat na luxury brand ang masks.

Nakuha rin sa warehouse ang 1,000 master cases ng mga sigarilyo, ayon sa Customs.

Dinala na umano sa Port of Manila ang mga produkto para sa imbentaryo at imbestigasyon.

Hindi naman tinukoy ng Customs kung sino ang may-ari ng sinalakay na warehouse at kung sino ang nagpalusot sa kontrabando.

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.