Militar nakasagupa ang umano’y grupo ng NPA sa Zamboanga del Norte; rebelde sugatan

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2020 10:18 PM

MAYNILA - Isa ang sugatan sa sagupaan sa pagitan ng mga sundalo ng Philippine Army at umano’y miyembro ng New People's Army (NPA) sa bayan ng Leon B. Postigo, Zamboanga del Norte nitong Huwebes.

Ayon kay Lt. Col. Manaros Boransing, commanding officer ng 97th Infantry Battalion ng Army, nagpapatrolya ang kaniyang mga tauhan sa Barangay Midatag makaraang makatanggap ng tawag na may mga nagnanakaw umano ng alagang baboy at pagkain sa mga residente roon.

Nang dumating ang militar sa nasabing barangay, pinaputukan umano sila ng grupo ng mga rebelde kaya gumanti rin sila ng putok.

Tinamaan sa bakbakan ang 18-anyos na si "Jekjek", babaeng medic umano ng NPA.

Tumakas ang mga rebelde at iniwan umano nila si Jekjek, na dinala naman ng mga sundalo sa ospital.

Nagkasa ng follow-up operations ang tropa ng pamahalaan sa barangay at mga karating-lugar sa pinangyarihan ng engkwentro.--Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.