PatrolPH

Mga ospital, isolation facility sa Marikina at Mandaluyong punuan na

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2020 01:46 PM | Updated as of Aug 06 2020 07:01 PM

Watch more on iWantTFC

Punuan na ang mga ospital at isolation facility sa Marikina at Mandaluyong, sabi ng mga alkalde ng mga naturang lungsod sa harap ng patuloy na pagdami ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.

"Lahat ng isolation facilities ko, puno na," ani Mandaluyong Mayor Menchie Abalos.

Baligtad na rin ang quarantine set-up na ipinatutupad sa ilang barangay sa lungsod, kung saan sa bahay nananatili ang mga taong nag-positibo pero asymptomatic o walang ipinapakitang sintomas habang sa ibang lugar naman nananatili ang mga negatibo nilang kaanak.

"'Yong positive sa loob ng bahay... negative ang nilabas," ani Abalos.

Sa tala noong Miyerkoles, 1,722 na ang naitatalang COVID-19 cases sa lungsod, kung saan 688 ang active cases o iyong hindi pa gumagaling sa sakit.

Nasa 11 barangay ang isinailalim sa localized enhanced community quarantine.

Nakakapag-swab test nang hanggang 500 kada araw ang Mandaluyong kaya, ayon kay Abalos, posibleng tumaas pa ang kaso at mangangailangan sila ng dagdag na health workers.

Sa ngayon, pinayagang bumiyahe ang mga tricycle kahit nasa modified enhanced community quarantine ang lungsod pero ipinatutupad ang color-coding scheme sa pamamalengke.

Sa Marikina naman, lumawak ang kapasidad ng contact tracing pero problema umano kung saan dadalhin ang mga nagkakasakit ng COVID-19.

"Nasa limit na kami, mayroon kami isolation [facility], dalawa [o] tatlo, full to the brim na, 100 percent," ani Marikina Mayor Marcelino Teodoro.

Noong Martes, umabot na sa 845 ang COVID-19 cases sa Marikina. Halos 600 naman ang naghihintay pa ng resulta ng swab test.

May ginagawang bagong modular isolation facility sa Barangay Nangka na may 150-bed capacity.

Inaasahan ni Teodoro na mabuksan na ang COVID-19 referral center para may maayos na segregation at referral sa mga COVID-19 patient.

May alok namang hatid-sundo para sa overseas Filipino workers na nakatira sa Marikina.

Libre rin ang swab test at makukuha ang resulta sa loob lang ng 24 oras. Sagot din umano ng lokal na pamahalaan ang quarantine.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.