Liquor ban ibinalik sa Mandaluyong sa ilalim ng MECQ

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2020 09:59 PM

MAYNILA - Nagpatupad muli ng liquor ban ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong habang umiiral ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Kamaynilaan.

Sa inilabas na City Ordinance No. 790, ipinagbabawal ang pagbenta ng anumang alcoholic beverage sa lungsod at ang pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar. 

Puwede ang liquor consumption sa bahay, pero dapat mga magkakaanak lang at walang bisita sa drinking session o anumang social activity.

Batay sa ordinansa, ipatutupad din ang liquor ban kapag nasa enhanced community quarantine (ECQ) ang lungsod o nasa special concern lockdown ang barangay o anumang bahagi ng Mandaluyong.

Multang nasa P5,000 at 3 buwang pagkakakulong ang maaaring ipataw sa mga lalabag.

Sa pinakahuling tala, may kabuuang 1,787 COVID-19 cases sa Mandaluyong. Nasa 675 rito ang active cases, 1,029 ang recoveries at 83 ang namatay dahil sa sakit.

Unang nagpatupad ng liquor ban ang lungsod noong Marso 17 kasabay ng lockdown dahil sa COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.