PatrolPH

Ilagan City isinailalim sa ECQ, alkalde positibo sa COVID-19

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2020 01:45 PM

Isinailalim sa enhanced community quarantine ang Ilagan City sa Isabela nitong Huwebes dahil sa patuloy na pagdami ng COVID-19 patients sa lungsod, kabilang ang alkalde nito.

Nagpositibo sa coronavirus si Mayor Jay Diaz, ayon kay Ricky Laggui, focal person ng Ilagan City Inter-Agency Task Force.

Aniya, naka-strict isolation na ang alkaldeng asymptomatic o walang nararanasang sintomas ng sakit.

Bawal na munang pumasok at lumabas ng lungsod ang mga residente maliban sa mga authorized persons o may mga mahahalagang transaksyon hanggang Agosto 12, ayon sa executive order no. 54 ng alkalde.

Patuloy ang contact tracing sa mga nakasamaluha ng COVID-19 patients.

Mayroong 12 aktibong kaso ng coronavirus sa lungsod, at ang ilan dito ay maaaring bunga umano ng local transmission, ayon sa Ilagan City IATF.

Nitong Miyerkoles, nakapagtala ang Department of Health ng 115,980 kaso ng COVID-19 sa buong bansa, kabilang ang 66,270 pasyenteng gumaling sa sakit at 2,123 namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.