'Honesty store', patok sa isang komunidad sa Porac, Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2020 03:39 PM

MAYNILA - Ibinabalik sa komunidad ng isang 40-anyos na ginang ang tagumpay ng kaniyang “honesty store” sa Porac, Pampanga.

Ayon kay Jayriz Amilhanja, mababait at matapat ang kaniyang mga kapitbahay kaya patuloy na nagtatagumpay ang kaniyang negosyong tindahan.

“Sa lahat ng mga kapitbahay ko, thank you po sa sobrang support at saka kung ‘di dahil sa kanila, wala pong ganitong tindahan,” pasasalamat ni Amilhanja.

Sa panayam sa programang Lingkod Kapamilya sa ABS-CBN TeleRadyo ngayong Huwebes, sinabi niya na Disyembre pa nitong nakaraang taon nagsimula ang kaniyang tindahan.

“Dati, merong nagbabantay just to educate people na ganito magiging concept hanggang nasanay na,” sabi niya.

Sari-saring paninda ang laman ng tindahan ni Amilhanja. Bawat produkto ay may nakalagay na ring presyo para hindi na mahirapan pa ang mga mamimili.

Mismong ang mga mamimili na ang magkukuwenta kung magkano ang kanilang ipinamili. May kahon din kung saan nila isusuksok ang bayad. Kapag may sukli, may lalagyan din ng barya para pagkuhanan ng sukli.

Sakaling malaki ang perang ipinambayad, may notebook doon na ilalagay nila ang ipinamili at kung magkano ang kulang pa na sukli.

“Within the day, pag 'nakita ko na ang notes, pwede nilang balikan,” sabi niya.

Maaari ring umutang, basta isulat lamang din sa notebook kung ano ang mga pinamili at kung kailan magbabayad.

“Nagpa-follow ng rules at nagbabayad nang maayos, kaya wala po akong masabi,” saad niya.

Paliwanag ni Amilhanja, pangunahin niyang intensiyon sa pagtatayo ng tindahan ay upang tugunan ang mga pangangailangan ng kaniyang mga kapitbahay.

“Noon, I was struggling na 'pag may kailangan lang akong bilhin, I have to go out para lang bumili. Kaya sabi ko, one day, gusto kong magkaganito,” kwento niya.

Bukod sa calculator, mga notebook na panlista at baryang panukli, may intercom din sa tindahan kung kinakailangang kausapin siya. May 3 CCTV sa buong tindahan para mamonitor niya ang aktibidad sa loob.

“Mas madami pa rin pong mabuting tao,” sabi niya. “Patuloy lang po tayong maging matapat at lagi kong sinasabing, ‘wag sirain ang pagkatao dahil lang sa konting halaga.”