Aksidente o bugbog? Pagkamatay ng criminology student iniimbestigahan

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2020 05:48 PM | Updated as of Aug 07 2020 01:14 AM

Inirereklamo ang isang barangay kagawad sa bayan na ito matapos siyang akusahan ng pambubugbog daw sa criminology student dahilan para masawi ito. Retrato mula kay Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

MANAOAG, Pangasinan (UPDATE)— Inirereklamo ang isang barangay kagawad sa bayan na ito matapos siyang akusahan ng pambubugbog sa criminology student dahilan para masawi ito.

Hindi matanggap ng mga kaanak ng 19-anyos na si Isagani Ilagan ang sinapit nito madaling araw noong Lunes.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naaksidente daw sa motorsiklo si Ilagan at kaibigan nito. Dagdag nila, ninakaw ng dalawa ang nakaparadang tricycle ng kagawad matapos ang aksidente.

Sa lakas ng impact ay lumusot ang motorsiklo sa barikada.

Doon na daw rumesponde ang grupo ni barangay kagawad Roben Padilla. 

"Si kagawad at si barangay tanod ay tinatanggal yung kanilang motor na naibangga dun sa steel barricade," ani Police Maj. Reinweck Alamay, hepe ng Manaoag police. 

Pero giit ng ina ni Ilagan, hindi sa aksidente kung hindi sa bugbog namatay ang kanyang anak. 

Pinagpapalo daw ang anak niya at kasamahan nito matapos ang aksidente.

Nakakausap pa raw ang 2 pero kinaumagahan nang dalhin sila sa ospital ay binawian ng buhay si Ilagan. 

Lumalabas din sa imbestigasyon na nakainom ang dalawang estudyante nang mangyari ang aksidente. 

Nagsampa ng kasong car theft ang kagawad laban sa dalawang estudyante habang nag-counter charge naman ang kaanak ni Ilagan ng reklamong homicide.

Hinihintay pa ang resulta ng autopsy ni Ilagan para malaman ang totoong dahilan ng kanyang pagkamatay.

Nakalabas na sa ospital ang kanyang kaibigan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.