PatrolPH

36 bagong kaso ng COVID-19 naitala sa Iloilo Fish Port

Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2020 08:51 PM

ILOILO CITY - Tatlumpu't anim na bagong kaso ng COVID-19 ang naitala ng lokal na pamahalaan sa lungsod na ito mula sa Iloilo Fish Port Huwebes.

Dahil sa tumataas na kaso ng local cases mula sa fish port, ilang barangay na ang isinailalim sa localized lockdown simula Huwebes, kasama ang mga barangay ng Tanza Baybay, Rizal Pala Pala 1, Rizal Pala Pala 2, at North Baluarte.

Isinailalim na rin sa lockdown ang Iloilo Terminal Market. 

Magtatagal hanggang Agosto 8 ang lockdown pero depende pa ito sa magiging resulta ng RT-PCR test ng iba pang mga residente.

Sa Biyernes naman magsisimula rin ang lockdown sa mga barangay ng Cuartero at San Juan.

Ayon kay Mayor Jerry Treñas, tumaas ang local cases sa fish port dahil nanggagaling sa iba't ibang lugar sa bansa ang mga fishing boats na dumadaong doon. 

Dagdag pa ng alkalde, hindi maayos ang protocol ng fish port bago pa nangyari ang pagkalat ng COVID-19 sa lugar.

"Daw waay sang protocol nga ginpatuman ang management sang fishing port dira waay gani sila sang knapsack sprayer," ani Treñas.

(Parang walang protocol na ipinatupad ang management ng fishing port, wala nga silang knapsack sprayer.)

Bukod sa 36 na bagong kaso, nakapagtala ng 26 na kaso sa fish port nitong Miyerkoles at may unang dalawang kasong naitala noong nakaraang weekend.

Ipinasususpende rin muna ng alkalde ang pagdating ng mga locally stranded individuals at mga overseas Filipino workers sa Iloilo City pansamantala upang matutukan ang tumataas na local cases.

Ibinalik na rin muna ang curfew sa alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Sa pinakahuling bulletin mula sa Department of Health, umabot na sa 151 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan 95 ang active cases. Pito naman ang naitalang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.