Pansamantalang isinara ang 3 departamento sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital matapos na magpositibo ang apat na doktor at 2 nurse nito. Larawan mula sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital
BACOLOD CITY - Pansamantalang hindi muna tatanggap ng mga pasyente ang tatlong departmento ng Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital sa lungsod matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang anim na health workers nito.
Nakasara ang Outpatient Department ng ospital, pati na rin ang Neonatal Intensive Care Unit at Department of Obstetrics and Gynecology. Limitado rin ang serbisyo ng Surgery Department ng ospital.
Ayon sa Medical Center Chief na si Dr. Julius Drilon, nadagdagan ang kakulangan ng personnel ng ospital sa naturang mga departmento matapos isailalim sa swab test at ilagay sa quarantine ang maraming kasamahan ng apat na doktor at dalawang nurse na nagpositibo sa COVID-19.
Dagdag pa ni Drilon, maaring nahawa sa virus ang anim na health care workers sa mga pasyente na inalagaan nila.
Sinabi ni Drilon na maaring manatiling sarado ang naturang mga departmento hanggang sa weekend, pero tuloy pa rin ang pagtanggap ng ospital ng pasyente sa ibang units.
Samantala, sarado rin ngayong Huwebes ang Business Permits and Licensing Office ng Talisay City Hall sa lalawigan ng Negros Occidental para sa disinfection.
Ayon kay Talisay City Mayor Neil Lizares, napag-alaman na may taga-Bacolod City na nagpositibo sa COVID-19 ang nakapunta sa opisina.
Isinailalim sa swab test ang lahat ng mga empleyado at nag-home quarantine.
Bacolod City COVID-19 updates, Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital, COVID-19 Philippines frontliners