3 Chinese POGO workers sinagip matapos umanong dukutin ng mga employer

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2020 05:33 PM | Updated as of Aug 06 2020 07:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tatlong Chinese na nagtatrabaho sa Philippine offshore gaming operator ang sinagip ng National Bureau of Investigation matapos umano silang dukutin at i-torture ng mga employer nila dahil sa alitan sa trabaho.

Nasagip ng mga tauhan ng NBI Task Force Against Illegal Drugs (TFAID) ang mga suspek—na Chinese din—sa isang bahay sa Multinational Village sa Parañaque City, kung saan 2 araw na umanong ikinulong ang mga biktima.

Ang isa sa mga biktima ay natagpuan pang nakahubad habang nakadetine sa isang kuwarto.

Bakas pa sa katawan ng mga biktima ang mga sugat at pasa mula ulo hanggang binti.

Isang pekeng baril naman ang nabawi sa mga suspek, na ginamit umano nila bilang panakot.

Nagsabwatan ang 3 biktima para tulungan ang kakumpitensiyang kompanya, na ikinagalit ng employer, sabi ng NBI.

Ayon naman sa Pilipino driver na kinontrata ng mga suspek, wala siyang alam ukol sa pambubugbog.

Muntik pa raw umatras sa pagrereklamo ang mga biktima kahit na-rescue na sila dahil sa pagbabanta ng employer, ani NBI-TFAID chief Ross Galicia.

Kulong ang 7 suspek sa kasong kidnapping with serious illegal detention.

Iniimbestigahan din ang kanilang record sa Bureau of Immigration kung lehitimo ang kanilang travel documents. -- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.