PatrolPH

Mga may dengue sa Basey, Samar, dagsa sa ospital

Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2019 05:48 PM | Updated as of Aug 06 2019 07:12 PM

Mga may dengue sa Basey, Samar, dagsa sa ospital 1
Maraming pasyente ang nakapuwesto na sa hallway ng ospital sa dami na rin ng mga taong ina-admit sa sakit na dengue. Jenette Ruedas, ABS-CBN News

BASEY, Samar – Kaniya-kaniyang paraan ang ginagawa ng mga taga-bantay ng mga pasyenteng may sakit na dengue sa bayang ito.

Ang iba ay may mga dalang mga plastic na upuan o folding bed para lamang may mahigaan ang kanilang binabantayan dahil walang tigil sa pagtanggap ng pasyente ang emergency room ng Basey District Hospital simula pa Lunes ng gabi.

Isa ang kapatid ni Sheryl Carmen sa mga pasyenteng naka-confine. Dahil punuan na ang ospital, nagdala na sila ng mahabang plastic na upuan para mahigaan ng kapatid sa ospital.

Watch more on iWantTFC

Ang apo naman ni Alicia Corales ay may ilang araw na ring nasa ospital. Sa lobby naman sila nakapuwesto tulad ng iba pang pasyente.

Kampante naman siya dahil naaasikaso sila ng mga doktor.

Maging ang prayer room ng ospital ay ginawa na ring ward para may mapaglagyan ng pasyente.

Sa isang araw, nasa mahigit 10 pasyente ang naipapasok sa ospital na may 35 bed capacity lamang. Pero ngayon ay nasa 50 na ang bilang ng kanilang pasyente at patuloy pang nadadagdagan.

Ayon kay Dr. Glenn Candido, kapag nasa ikaapat o ikalimang araw na ang lagnat ay pinapa-admit na doon ng mga magulang ang kanilang mga anak.

Naiisipan na rin nilang buksan ang multi-purpose building ng ospital para doon dalhin ang ilang pasyente. Pero ang problema nila ngayon ay kulang pa sila ng mga nurse.

Nitong Sabado lamang isinailalim sa state of calamity ang probinsya ng Samar dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue.

Sa ngayon, halos 2,500 na ang nasa tala ng Department of Health sa Samar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.