PatrolPH

Mag-iina pinatay ng padre de pamilya sa Parañaque; suspek nagbaril din sa sarili

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2019 05:05 AM

MAYNILA—Patay ang isang ginang at kaniyang 2 anak matapos umano silang pagbabarilin ng padre de pamilya sa kanilang bahay sa Barangay San Isidro, Parañaque City nitong Lunes.

Natagpuan ding patay ang suspek matapos umano itong magbaril sa sarili.

Kuwento ng kasambahay ng pamilya, inutusan umano siya ng suspek na bumili ng olive oil pasado alas-12 ng tanghali.

Pagbalik niya pasado alas-2 ng hapon, natagpuan nalang niya ang mga biktima na duguan at may tama ng bala.

Nakita niya ang nanay sa loob ng sasakyan sa garahe habang nakahandusay sa masters' bedroom ang suspek at 9 anyos na anak na lalaki. Nasa sofa naman ang 14 anyos na anak na babae.

Base sa imbestigasyon ng Parañaque City police, dumaan sa heart bypass surgery ang suspek at meron umano itong quarterly medical checkup sa ospital.

Problema sa pera ang isa sa tinitingnang motibo ng pulisya sa krimen.

Natagpuan sa crime scene ang isang kalibre .45 na baril.—May ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.