Lola patay, 1 sugatan nang araruhin ng army truck sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2019 03:55 PM | Updated as of Aug 06 2019 05:30 PM

Isa ang patay habang isa ang sugatan nang araruhin ng truck ng Philippine Army ang isang traysikel sa Tanza, Cavite nitong Lunes.

Base sa ulat ng Cavite Provincial Police Office, minamaneho ng 22 anyos na sundalo ang truck sa Tanza-Trece Martires Road sa Barangay Biga nang mawalan umano siya ng control dito.

Dahilan umano ito para mabangga ang isang traysikel na sakay ang drayber na si Edgar Pacinos at ang 72 anyos na pasaherong si Antera Noriel.

Nakaladkad si Noriel na agad nitong ikinamatay, habang sugatan naman si Pacinos.

Napinsala rin ang isang bahay na inararo ng trak.

Nangyari ang aksidente sa kasagsagan ng ulan.

Makakasuhan ang sundalo ng reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries, at damage to property.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.