Hague ruling igigiit ni Duterte sa papalapit na pagbisita sa China

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2019 08:28 PM | Updated as of Aug 06 2019 11:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Babanggitin na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang The Hague arbitral ruling kay Chinese President Xi Jinping sa kanilang paghaharap sa Tsina ngayong Agosto, pagtitiyak ni Palace Spokesperson Salvador Panelo nitong Martes.

Sabi ni Panelo, si Dutere na mismo ang nagsabi na dumating na ang tamang panahon para igiit ang pagwawagi ng Pilipinas sa The Hague arbitral court noong 2016. 

"He said, 'Remember that I said before that there will be a time when I will invoke that arbitral ruling? This is the time, that's why I am going there,'" sabi umano ng Pangulo, ayon kay Panelo. 
 
Pupuntang Tsina ngayon buwan ang Pangulo para pag-usapan ang 60-40 sharing sa panukalang joint oil and gas exploration sa West Philippine Sea.

Matatandaang matinding batikos ang inabot ni Duterte dahil sa kaniyang posisyon sa West Philippine Sea. 

Malugod namang tinanggap ng ilang kritiko at mambabatas ang pahayag ng Pangulo.

"Let us salute him and assure him of the support of all Filipinos," ani dating Foreign Affair Sec. Albert del Rosario.

"I can only hope that President Duterte is not doing this merely to shore up support within the military, but because it is his duty as President to defend our country's territorial integrity," ani Sen. Risa Hontiveros.
 
Mismong Philippine Navy ang nagbabala kamakailan hinggil sa pagpasok ng Chinese investors sa 3 isla sa Pilipinas.

Inirereklamo naman ng militar at Department of National Defense ang umano'y palihim na pagdaan ng mga warship ng Tsina sa territorial waters ng bansa.

Bukod pa ito sa panggigipit ng mga Tsino sa mga mangingisdang Pinoy, kabilang ang insidente sa Recto Bank.

—Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.