34 na babaeng Chinese nasagip sa 'human trafficking' sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2019 07:04 AM

CEBU—Nasagip sa isang KTV bar sa Lapu-Lapu City, Cebu Biyernes ng gabi ang 34 na babaeng Chinese na pinaniniwalaang biktima ng human trafficking.

Naaresto rin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 4 pang Chinese na babae na umano'y namamahala sa nasabing bar.

Isinagawa ang entrapment operation sa loob ng bar sa Barangay Agus kung saan nagkaabutan ang mga operatiba at suspek ng P35,000 na marked money.

Ayon kay NBI-Central Visayas director Tomas Enrile, pinangakuan umano ang mga biktima ng trabaho sa isang offshore gaming company sa Cavite at nagulat na lang sila nang pagtrabahuin sa isang KTV bar sa Cebu.

Base sa imbestigasyon ng NBI, may tourist visa ang mga biktima na may bisa ng 3 buwan.

Manghihingi ng tulong ang NBI sa Chinese government na mabigyan sila ng interpreter para sa kanilang imbestigasyon dahil hindi makapagsalita ng Ingles ang mga biktima at suspek. Makikipagtulungan din sila para sa pagpapauwi ng mga biktima sa China.

Sinampahan na ng reklamong paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 ang mga suspek.—Ulat ni Jude Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.