3 OFWs na nasawi sa trahedya sa dagat, nakatakdang iuwi

Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2019 12:58 PM

ILOILO CITY – Nakatakdang iuwi sa kani-kanilang mga lugar sa bansa ang mga bangkay ng tatlong nasawing guro sa United Arab Emirates na nagbakasyon lang sa Pilipinas.

Inaayos na ang mga bangkay nina Eden Perales, Andrew Valenzuela, at Jaquelyn Alferez. Iuuwi sa Palawan ang mga labi ni Perales habang sa Bataan naman ang bangkay ni Valenzuela at sa Malabon ang sa kay Alferez.

Nakaligtas naman ang kapwa guro na sina Mark Angelo Subaldo, Catherine Joy Santillan, Antoneth Tolledo, Normie Al Bognoson at Jeanette Montemayor.

Kasamang sakay ng M/B Jenny Vince at nakaligtas din sa sakuna ang asawa ni Tolledo na si Amado, at mister ni Perales na si Patrick.

Hindi naman matanggap ni Patrick ang sinapit ng kaniyang asawa. Kuwento niya, tinangka pa niyang sagipin ang misis pero hindi niya nagawa dahil sa malakas na alon at hangin dagdag pa ang pagod.

Nagsisisi siya na walang nagawa para mailigtas ang misis. Na-trap din sila sa loob ng trapal ng bangka. Isa ang kaniyang misis sa 10 bangkay na natagpuan sa loob ng bangka sa dalampasigan ng Dumangas, isang araw matapos ang aksidente sa dagat.

Mag-a-island hopping sana sa Guimaras ang grupo ng mga guro pero dahil masama ang panahon hindi sila natuloy.

Pabalik na sila Iloilo nang tumaob ang sinasakyang bangka.

Nagpapasalamat ang mga ito sa Philippine Coast Guard na tumulong sa kanila. Pero aminado silang naging mabagal ang pagresponde ng mga ito nang mangyari ang insidente. Kulang din sa mga gamit kaya nahirapan din ang coast guard sa rescue operation. Umaasa sila na mabibigyan ng pansin ito ng mga kinauukulan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.