Sugatang dolphin, nailigtas sa Surigao del Norte

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2018 09:42 PM

BUTUAN CITY - Nailigtas ng mga residente at awtoridad ang isang sugatang dolphin na natagpuan sa tabing-dagat ng Barangay Linonganan sa bayan ng San Francisco, Surigao del Norte Linggo ng hapon.

Isang tawag ang natanggap ng San Francisco Municipal Police Station sa kinaroroonan ng dolphin at agad ito nirespondehan. 

Ang dolphin ay may habang 6 feet at tinatayang nasa 50 kilos ang timbang. 

Napansin ng mga pulis na may malalim na sugat ang dolphin na pinaniniwalaang dulot ng mga matutulis na bato sa dagat.

Sa imbestigasyon ng kapulisan, isang residente umano ang nakakita sa dolphin sa tabing-dagat.

Makalipas ang ilang oras ay nagdesisyon ang mga residente at awtoridad na ilipat sa tabing-dagat ng Barangay Banbanon sapagkat nahihirapan silang matingnan ang sugat ng dolphin dahil sa malalaking alon sa Barangay Linonganan. 

Isinakay sa patrol car ang dolphin. Matapos masuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, pinakawalan din ang dolphin at sumisid na ito patungong laot.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.