Pulis na suspek sa pagpatay sa Tawi-Tawi town vice mayor, kinasuhan na

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2018 01:07 PM

Kinasuhan na ang pulis na suspek sa pagpatay sa bise alkalde ng bayan ng Sapa-Sapa sa Tawi-Tawi, sabi nitong Lunes ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde.

Kasong murder ang isinampa umano sa Zamboanga City Prosecutor's Office laban kay Police Officer 3 Mohammad Lacbao Tolete na idinadawit sa pagpaslang noong Hulyo 11 kay Vice Mayor Al-Rashid Mohammad Ali.

Ang misis umano ng bise alkalde ang tumukoy sa pagkakakilanlan ng suspek sa pamamagitan ng mga nakuhang video at retrato.

Nakatalaga si Tolete sa Lamitan City Police Station at residente naman ng Zamboanga City.

Lulan ng kaniyang sasakyan ang bise alkalde nang tambangan at pagbabarilin ito ng mga nakamotorsiklong salarin.

Politika ang isa sa mga tinitingnan motibo sa krimen.

Patuloy naman ang pagtugis ng mga pulis sa mga posibleng kasabwat ni Tolete.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.