Bodyguard ni Kerwin, sumuko

ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2016 10:27 AM

LEYTE – Sumuko na ang isa sa mga bodyguard ni Rolando "Kerwin" Espinosa.

Kinilala ang sumukong guwardiya na si Jerry Tudio, residente ng Barangay Binolho ng Albuera, Leyte.

Ayon kay C/Insp. Jovie Espenido, hepe ng kapulisan sa Albuera, kusang sumuko si Tudio Biyernes ng hapon. Kasama sa isinuko ni Tudio ang isang high-powered firearm, at isang 9mm caliber pistol na kargado ng mga bala.

Pursigido naman si Espenido na ipagpatuloy pa ang kanilang naumpisahan nang operasyon para mahanap ang iba pang kasama sa anim na armadong lalaki na napatay sa engkwentro noong Miyerkules sa bahay ng ama ni Kerwin na si Rolando Espinosa, Sr., ang alkalde ng Albuera.

Samantala, nalibing na Sabado ng umaga ang mga bangkay ng mga lalaking nasawi sa engkwentro.