PatrolPH

Mga health worker sa Cavite, doble-trabaho dahil sa pagtaas ng COVID, dengue cases

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2022 04:18 PM

Puspusan ang pagbabakuna sa mga residente sa Imus, Cavite. Ayon sa kanilang alkalde na si Mayor Alex Advincula, bumabagal ang pagbabakuna ng COVID-19 sa lungsod dahil nahahati ang trabaho ng mga health worker para rumesponde sa COVID-19. Michael Delizo, ABS-CBN News
Puspusan ang pagbabakuna sa mga residente sa Imus, Cavite. Ayon sa kanilang alkalde na si Mayor Alex Advincula, bumabagal ang pagbabakuna ng COVID-19 sa lungsod dahil nahahati ang trabaho ng mga health worker para rumesponde sa COVID-19. Michael Delizo, ABS-CBN News

CAVITE -- Sunod-sunod ang mga nagpapa-checkup kay Dr. Gelyn Golamco sa Velarde Health Center sa lungsod ng Imus.

Aniya, mabigat at malaki ang hamon sa mga health worker ngayong sabay na tumataas ang mga kaso ng dengue at COVID-19.

“Dito po sa isang city health office ng Imus, ako lang po ‘yung doktor dito po na humahawak. Dito po, 25 barangays ang hawak po. So, meron po kaming fixed site, ako rin po ang nagche-check-up," ani Golamco. 

“Challenging po, pero masaya naman po kasi nakakatulong tayo.”

Ayon sa Imus City Health Office, kailangan nang mag-multitask ng ilang pampublikong health worker para tugunan ang parehong pagdami ng COVID-19 at dengue cases.

Nangunguna ang Imus sa may pinakamaraming kaso ng dengue sa Cavite.

Nasa 182 naman ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod, mula nitong Agosto 4.

“Sa ngayon po talaga, halos lahat po talaga ng tao namin nasa field kasi po nagsasagawa kami ng mobile COVID vaccination sa bawat barangay. Itong coming school year po, pagbukas, magpu-put up din po kami ng vaccination statios for COVID sa mga schools po. Multi-tasking po talaga lahat ng healthworkers po. Sanay naman po," anang Imus City Health Officer Dr. Ochie de Ausen. 

Ayon kay Imus Mayor Alex Advincula, bumabagal ang pagbabakuna ng COVID-19 sa lungsod dahil nahahati ang trabaho ng mga health worker para rumesponde sa COVID-19.

Umaabot sa 10 ang nagpapa-COVID test bawat araw sa isang health facility, habang 5 naman ang nagpapa-dengue test sa bawat health center.

“Kaya hindi kami makapag-rollout talaga agad ng vaccine, sumasabay si dengue tapos humaharap pa tayo dito sa opening ng school. Medyo mahirap but marami naman tayong mga test kits ngayon," ani Imus mayor Alex Advincula. 

Ipinag-utos na ni Advincula sa mga barangay chairman na paigtingin ang paglilinis ng kapaligiran para maiwasan ang dengue.

Kinabitan na rin ng insecticidal net ang mga silid-aralan para protektahan ang mga bata sa lamok sa pagbabalik ng face-to-face classes.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.