PatrolPH

1 patay, 1 sugatan nang barilin umano ng barangay kapitan sa Leyte

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2021 03:28 PM

Patay ang isang magsasaka habang sugatan ang kaniyang kasamahan matapos umano silang barilin ng kanilang barangay chairman sa bayan ng Pastrana sa Leyte Miyerkoles ng umaga.

Idineklarang dead on arrival sa ospital si Jamesbert Abanes, 35 anyos, habang patuloy na ginagamot si Arnulfo Abanes, 68 anyos.

Kinilala ng mga pulis ang suspek na si Lanauan Barangay Chairman Rogelio Empillo. 

Personal grudge ang tinitingnan ng mga awtoridad na motibo sa krimen. Base sa inisyal na imbestigasyon, dati nang may alitan ang mga biktima at suspek.

Ayon sa pulisya, isang residente ang nagbigay alam sa kanila tungkol sa pamamaril. Naabutan nilang nakahandusay sa sakahan ang mga biktima at dinala agad sa ospital sa bayan ng Palo.

Bago ang insidente, nagtatrabaho sa irigasyon ng kaniyang sakahan si Jamesbert malapit sa sakahan ng suspek.

Nagalit umano ang barangay chairman kay Jamesbert at binaril ito ng ilang beses. Pagdating naman ni Arnulfo, binaril din ito ng suspek.

Nakuha sa crime scene ang mga basyo ng bala mula sa isang .45 caliberpistol. Nagsasagawa ng hot pursuit operation ang pulisya para mahuli ang tumakas na suspek. 

MULA SA ARKIBO

Watch more on iWantTFC

— Ulat ni Ranulfo Docdocan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.