PatrolPH

Libo-libo dumagsa sa ilang vaccination sites bago mag-ECQ

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2021 07:46 PM

Watch more on iWantTFC

Dinagsa ngayong Huwebes ng libo-libong tao ang ilang vaccination site sa Maynila at iba pang lungsod matapos kumalat ang pekeng balita na hindi papayagang lumabas sa enhanced community quarantine ang mga hindi bakunado kontra COVID-19.

Sa Maynila, alas-7 pa lang ng gabi noong Miyerkoles nagsimula nang pumila ang mga gustong magpabakuna sa labas ng ilang mall at nagpuyat magdamag kahit wala namang katiyakang mababakunahan.

Kinaumagahan, kilo-kilometro na ang inabot ng pila ng mga gustong magpabakuna sa SM Manila, SM San Lazaro, at Robinsons Place Manila.

Sa haba ng pila, hindi naiwasan magkagitgitan ang mga tao. Nagdikit-dikit na sila dahil lahat gustong mauna kaya nagkaroon din ng tulakan at sigawan.

Sa pagtaya ng Manila police, umabot sa higit 20,000 ang mga pumila sa mga vaccination site.

Bandang alas-5 ng madaling araw, kinansela na muna ang pagbabakuna sa SM San Lazaro dahil sa isyu ng seguridad habang pinauwi naman ang mga nakapila sa labas ng SM Manila alas-8 ng umaga.

Ipinaliwanag ng lokal na pamahalaan ng Maynila na sinasabihan naman nila ang mga tao kapag cut-off na sa pila ng vaccination pero hindi pa rin sila makontrol.

Ayon kay Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan, marami rin sa mga pumila sa bakunahan ay hindi taga-Maynila kundi mga taga-kalapit na probinsiya.

Sa Las Piñas, nagtakbuhan at nag-unahan namang makapasok sa loob ng parking area ng SM Southmall ang daan-daang gustong makakuha ng first dose ng bakuna.

Nahirapan na rin silang pigilan ng mga guwardiya at tanod ng barangay.

Marami sa mga nagtungo sa mall ay walk-in, nagbabakasakaling mabakunahan 1 araw bago ang simula ng ECQ.

Nagkaroon din ng siksikan at gitgitan ng mga gustong magpabakuna sa Las Piñas Doctors Hospital nang buksan ang vaccination site bandang alas-7 ng umaga.

Pinabulaanan naman ng local government unit (LGU) ng Las Piñas na magiging requirement ang bakuna para makatanggap ng ayuda habang may lockdown.

Dahil sa insidente, pinatigil ng LGU ang pagbabakuna sa SM Southmall at Las Piñas Doctors Hospital pero tuloy ang bakunahan sa 5 pang site sa lungsod.

Sa SM Masinag sa Antipolo, dumagsa rin ang mga gustong magpabakuna.

Daan-daang metro na rin ang inabot ng mga pila sa iba-ibang bahagi ng Alabang-Zapote Road, kung saan lahat nag-aabang na umabot sa cut-off ng 7 vaccination site, na halos lahat ay tig-600 lang ang nakalaang dose ng bakuna.

Watch more on iWantTFC

May babala naman si Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos sa mga nagkakalat ng maling impormasyon na naging dahilan ng pagdagsa ng mga tao sa vaccination sites.

"Sa mga nanggugulo, ngayon pa lang iniimbestigahan na kayo ng [National Bureau of Investigation]. Kapag nahuli kayo, kulong kayo. Hindi po kayo nakakatulong," ani Abalos.

Nauna nang tiniyak ng gobyerno na tuloy ang bakunahan sa Metro Manila kahit may ECQ at mas marami pang taga-rehiyon ang target maturukan laban sa sakit.

Naglaan ang gobyerno ng dagdag na 4 milyong dose sa COVID-19 para maiturok sa mga taga-Metro Manila sa loob ng 2 linggong lockdown.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 spokesperson Restituto Padilla Jr., handa ang national government na tumulong sa mga LGU na mangangailangan ng dagdag na tao para pabilisin ang pagbabakuna.

Nasa 10 milyong indibidwal na ang may kompletong proteksiyon sa COVID-19 sa Pilipinas habang higit 12.2 milyon naman ang nakatanggap ng unang dose.

Bumilis naman ang pagbabakuna sa bansa sa higit 700,000 kada araw noong Martes.

— Ulat nina Jervis Manahan, Lady Vicencio, Anjo Bagaoisan, at Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.