PatrolPH

Lalaking namemeke umano ng vaccination card sa Davao City tiklo

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2021 02:07 PM

Davao City Police Office
Mula sa Davao City Police Office

DAVAO CITY - Timbog sa entrapment operation sa Davao City Miyerkoles ang isang 24 anyos na lalaki dahil sa pamemeke umano ng COVID-19 vaccination card.

Nahuli ng San Pedro Police Station ang suspek nang mabilihan ito ng pulis na nagpanggap na buyer ng pekeng vaccination card sa Bolton St., Barangay 34-A.

Natunton din ng mga pulis ang lugar kung saan pini-print ang mga pekeng vaccination card.

Ayon sa pulisya, tinanggap ng suspek ang P300 na marked money kapalit ng vaccination card saka ito inaresto.

Nasa kustodiya na ng San Pedro Police Station ang suspek at inihahanda ang kasong falsification of public documents laban sa kaniya.

Base sa tala ng lokal na pamahalaan, nasa 373,983 na bakuna kontra COVID-19 ang naiturok na first dose habang 224,790 ang nakatanggap na ng 2 dose sa Davao City.

Nang magsimula ang pandemya, nakapagtala ang Davao City ng 31,062 kaso ng COVID-19 kung saan 27,204 ang gumaling na sa sakit habang 1,053 ang binawian ng buhay. May 2,805 active cases ang siyudad sa kasalukuyan.

 KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC

— Ulat ni Hernel Tocmo
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.