PatrolPH

Paghatid-sundo ng APORs gamit ang pribadong sasakyan sa ECQ, pinapayagan na

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2021 10:17 AM | Updated as of Aug 05 2021 08:19 PM

Watch more on iWantTFC

MANILA – Pinapayagan na ang mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) na mga manggagawa na magpahatid-sundo sa kanilang mga pribadong sasakyan kapag isinailalim na sa enhanced community quarantine ang Metro Manila. 

Pero kailangan nang magpakita ng karagdagang mga dokumento ang mga non-APOR na drayber, ayon kay Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar.

Aniya, kailangan magpakita ang mga drayber ng certificate of employment ng nasabing APOR na kanilang ipagmamaneho. Kailangang nakalagay rin sa nasabing katibayan ang pangalan ng non-APOR driver, ang description ng gagamiting sasakyan, at pati na rin ang contact number ng employer.

Kailangan ring magpakita ng kopya ng business permit ng employer para mapatunayan na kasama ang manggagawa sa permitted industries na pinapayagang magbukas sa gitna ng ECQ, ayon kay Eleazar.

Watch more on iWantTFC

Unang sinabi ni Eleazar nitong Martes na hindi pinapayagan ang mga APOR na magpahatid o magpasundo gamit ang kanilang mga pribadong sasakyan.

Ani Eleazar, nakikiusap sila sa mga negosyante at employer na magbigay na lang ng nasabing katibayan sa mga manggagawa dahil mas malaking abala pa kung pakukuhanin ng driver’s pass ang mga non-APOR driver.

“Kung irerequire pa kasi namin yan na pumunta pa sa pulis station, para kumuha ng driver’s pass, ay red tape pa yan at saka pati pipila-pila pa doon eh yun nga iniiwasan natin eh,” aniya. 

Muling iginiit ni Eleazar na ang isang tao na itinalagang lumabas para bumili ng essential goods ay hindi pinapayagang lumabas ng kanilang lungsod at sakop ng kanilang curfew hours.

Hindi rin pinapayagan ang mga nasabing consumer APOR na magkaroon ng tagapaghatid na drayber, aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.