2 most wanted ng mga awtoridad sa Maynila timbog

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2021 07:01 AM | Updated as of Aug 05 2021 07:13 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Arestado sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya ang dalawang most wanted person umano sa lungsod na ito Miyerkoles.

Hawak na ng mga pulis ang Top 4 most wanted sa Pandacan na may kasong frustrated homicide, si Ryan Hilado alyas AC, malapit sa isang unibersidad sa San Marcelino Street.

Ayon kay Police Captain Philipp Ines, public information officer ng Manila Police District, nasangkot sa gulo ang suspek may 15 taon na ang nakaraan. 

Kasama pa niya ang kanyang kapatid nang makaalitan ang isang barangay kagawad sa Barangay 819. 

Sa Tondo, arestado rin ang Top 5 most wanted ng Moriones Police.

Taong 2013 lumabas ang warrant of arrest laban kay Rodolfo Sacio, Jr. dahil sa kasong pagpatay.

Nang matunugan na nasa Bambang Street ang suspek, agad ikinasa ang isang manhunt at hinainan siya ng warrant.

Pareho nang nasa kustodiya ng mga pulis ang dalawang suspek para harapin ang mga kasong isinampa sa kanila.