Ilang tsuper sa Maynila nagbebenta ng buko para mairaos ang tigil-pasada

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2020 11:51 AM | Updated as of Aug 05 2020 03:35 PM

MAYNILA - Ngayong ilang buwan na silang hindi makapasada dahil sa coronavirus quarantine protocols, nagbebenta ngayon ng buko ang ilang jeepney driver sa Maynila. 

Sa kahabaan ng Rizal Avenue nagbebenta ng buko ang isang grupo ng mga dating jeepney driver. 

Anila, bagama't naghahanap sila ngayon ng bagong pagkakakitaan, hiling pa rin nilang makabalik-pasada na. 

Pero ngayong may modified enhanced community quarantine, apela nila na mabigyan ng ayuda dahil aminado silang hindi sasapat ang kanilang kinikita sa pagbebenta ng buko. 

Ayon sa jeepney driver na si Roldan, mahirap ang buhay nitong 5 buwan na walang sapat na kita at mukhang hindi pa anila sila papayagan bumiyahe muli.

"Napakahirap po kasi 'yung kinikita mo halos sakto lang minsan kulang lalo na sa isang tulad ko na may maliit na naggagatas po," ani Roldan. 

Nananawagan din si Roldan na kung sana ay maabutan sila ng tulong. 

Bago ipatupad ang modified ECQ, pinayagan bumiyahe ang nasa 8,000 jeepney. Umapela ang ilang transport groups na payagang bumiyahe ang lahat ng 75,000 tsuper na namamasada sa Kamaynilaan. 


-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.