3-taong gulang na bata nalunod sa sapa sa Davao City

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2020 04:22 PM

DAVAO CITY – Natagpuan ngayong Miyerkoles na nakasabit sa isang lambat ang bangkay ng 3-taong gulang na batang unang naiulat na nawawala sa pagbaha sa Barangay Ula, Tugbok District, sa lungsod na ito kahapon.
 
Nagsagawa ng search and rescue operation ang awtoridad sa lugar habang tumataas ang lebel ng baha Martes ng gabi. Pero itinigil ang operasyon dahil lumalakas pa ang agos ng tubig sa sapa.

Umaga ngayong araw nang matagpuan ang bangkay ng bata. 

Sa imbestigasyon, naglalaro lamang ito sa ulan nang tumalon sa isang kanal at inanod papunta sa sapa. 
 
Nailibing na rin ang bangkay ng bata.

Binaha ang ilang bahagi ng Davao City at Digos City nitong Martes dahil sa pag-ulan na dulot ng low pressure area. 
 
Nasa 700 residente ang inilikas sa Davao City, pero bumalik din sila nang humupa na ang baha. 

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.