PatrolPH

4 dawit sa pagnanakaw ng P13-M halaga ng mga gamit huli sa QC

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2019 05:10 PM | Updated as of Aug 05 2019 06:56 PM

Naaresto ng mga awtoridad noong Linggo sa Quezon City ang apat na taong dawit sa pagnanakaw ng nasa P13 milyong halaga ng mga gamit sa isang condominium unit.

Watch more on iWantTFC

Kinilala ni Brig. Gen. Joselito Esquivel, direktor ng Quezon City Police District, ang mga suspek bilang sina Jimwell Bondoc, 27; Eric Eulogio, 44; Pierre Lance Lansang, 28; at April Kyle Gonzales, 21.

Nag-ugat ang pag-aresto sa 4 suspek sa reklamo ng isang 51 anyos na lalaki, na umano ay ninakawan ng mga ari-arian na nagkakahalagang P13 milyon sa kaniyang condominium unit sa Barangay South Triangle.

Lumabas sa imbestigasyon na modus umano ng mga suspek na magrenta ng condominium unit sa tabi ng condominium unit na target umano nilang pagnakawan.

Nang makakuha ng tiyempo, pinasok ng mga suspek ang unit ng biktima at tinangay ang kaniyang mga gamit, ani Esquivel.

Natunton ang mga suspek matapos maituro ng isang kaibigan ang kinaroroonan nila.

Narekober din sa mga suspek ang mga baril, ilegal na droga, at drug paraphernalia.

Kinasuhan ang mga suspek ng robbery, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.