Environmental group, nagbabala laban sa mga 'nakalalasong' lipstick

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2018 05:15 PM | Updated as of Aug 05 2018 07:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabala nitong Linggo ang isang environmental group sa publiko hinggil sa pagbili ng mga lipstick na posible umanong may sangkap na mga nakalalasong kemikal.

Ayon sa grupong EcoWaste Coalition, marami sa mga sobrang murang cosmetics o produktong pampaganda ay walang katiyakan sa kalidad.

Ilang brand ng lipstick, na itinitinda sa halagang P15 hanggang P35, ang isinailalim ng grupo sa chemical screening at natuklasang may mga sangkap na toxic metal gaya ng lead, arsenic, cadium at mercury.

Ang mga nakalalasong lipstick na ito ay posibleng maging sanhi umano ng ilang sakit sa nervous system, baga, at atay.

"Hindi maigalaw ang kamay, magfo-foot drop," ani Dr. Erle Castillo ng Philippine Society of Clinical and Occupational Toxicology.

"Balance can be affected," dagdag ni Castillo.

Nanawagan ang grupo sa Food and Drug Administration, at sa Bureau of Customs na higpitan ang pagbabantay at pagkumpiska sa mga peke at hindi rehistradong produkto.

"Papanagutin kung sino man ang nag-angkat nito," ani Thony Dizon ng EcoWaste Coalition.

Hinikayat din ng EcoWaste Coalition ang mga konsumer na maging alerto at magsumbong agad sa mga awtoridad kapag may nabiling pampagandang hinihinalang peke o mababa ang kalidad.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.