50,000 trabaho sa automotive industry, alok sa mga Pinoy

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2018 07:10 PM | Updated as of Aug 13 2019 02:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa 50,000 trabaho sa automotive industry ang inaasahang iaalok sa mga Pinoy dahil sa pagnanais ng mga Japanese manufacturer na pataasin ang produksiyon ng mga sasakyan sa bansa.

Target ng mga Japanese manufacturer na makabuo ng isang milyong sasakyan sa bansa sa susunod na 10 taon.

Ayon kay Philip Gioca, country manager ng employment website na JoBStreet.com Philippines, karamihan sa mga malilikhang trabaho ay may kinalaman sa engineering, upholstery, welding, financing, at sales.

Para mapunan ang pangangailangang ito, magbibigay ng pagsasanay ang mga paaralan at training institution sa mga nais matuto.

May 40 automotive company ang nakipag-partner sa JobStreet.com para sa isang job fair na idaraos sa Setyembre 28 sa Quezon City campus ng Technological Institute of the Philippines.

Bunsod nito, naging pursigido sa kanilang mga kurso ang mga estudyanteng sina Jessa Villegas at John Michael Macayanan.

Ayon kay Villegas, kakaibang hilig sa makina ang natuklasan niya sa kurso niyang automotive servicing sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

"Gusto ko talaga iyong ginagawa ko, nag-e-enjoy ako," ani Villegas.

Nais naman ni Macayanan, isang mechanical engineering student, na kalaunan ay makabuo ng modelo ng makina ng sasakyan.

"After graduation po, I dream of working in an automotive industry," ani Macayanan. 

"Sa machine design po talaga kasi doon ko talaga nakuha iyong interest ko," dagdag niya.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.