Mga taga-Ozamiz, nangangamba sa kaligtasan; seguridad sa lungsod, hinigpitan

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2017 08:45 PM

Patuloy na nangangamba ang ilang residente ng Ozamiz City para sa kanilang kaligtasan, kaya hinigpitan na ang seguridad sa lungsod kasunod na rin ng natatanggap na banta ng karahasan at ng madugong raid noong Linggo.

Idinaan ng ilang taga-Ozamiz ang kanilang mga saloobin sa pamamagitan ng paglalagay ng mga plakard sa paligid ng covered court kung saan nakaburol ang lima sa mga namatay dahil sa raid noong Linggo sa bahay ni Mayor Reynaldo "Aldong" Parojinog. 

Nakalagay sa mga puting plakard ang mga hiling para sa hustisya, at mayroon ding mga panalangin ng kapayapaan, pagmamahalan, at pagkakaisa. 

Ayon kay Cynthia Mallen, isa sa mga gumawa ng mga plakard, nais nilang mamuhay nang tahimik sa lungsod. 

"Sana hindi kami ma-involve kasi may mga naririnig kami na magre-raid daw sila sa amin. House to house, kaya takot ang mga tao," ani Mallen.

Agad namang pinawi ni Police Chief Inspector Jovie Espenido ang pangamba ng mga residente. 

Kapag may natanggap umanong balita o pagbabanta sa seguridad, huwag magdalawang-isip na tumawag at ikumpirma ito sa pulis. 

Sinabi rin ni Espenido na may mga bagong lead na silang sinusundan tungkol sa pinaglibingan sa mga kalaban ng pamilya Parojinog. 

Aniya, mayroon pang 10 taong hinahanap dahil naiulat na nawawala ng mga kamag-anak. 

Pinaigting naman ang seguridad sa Ozamiz matapos makatanggap ng ulat na may banta ng karahasan sa lungsod. 

Sa pantalan naman ng Ozamiz, binabantayan ng Coast Guard at mga pulis ang mga papaalis at paparating na tao at mga kargamento.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.