Higit 2,000 ina, sabay-sabay na nagpasuso

ABS-CBN News

Posted at Aug 05 2017 09:12 PM

Lumahok ang mahigit 2,000 nanay sa 'Hakab Na! 2017', isang sabayang breastfeeding para itaguyod ang kahalagahan ng gatas ng ina sa mga bata.

Aminado rin ang halos lahat ng dumalo sa matinding hirap ng mga nanay para mabigyan ng sapat at tamang nutrisyon ang mga sanggol.

Higit 100 ina, lumahok sa simultaneous breastfeeding sa Isabela

Samantala, higit 100 ina rin sa Santiago City, Isabela ang sabay-sabay na nagpasuso sa kanilang sanggol nitong Biyernes ng umaga.

Tumagal ang pagpapasuso nang isang minuto.

Ang aktibidad ay inorganisa ng Southern Isabela General Hospital bilang paggunita national breastfeeding month.

Layunin ng programa na ipaalala sa mga ina ang kahalagahan ng pagpapasuso sa pamamagitan ng breastfeeding.

Ayon kay Doctor Bryan Domingo, ang nag-organisa ng aktibidad, ang gatas ng ina ang pinakamasustansiyang gatas para sa sanggol.

"Kumpleto kasi ang nutrisyon ng breastmilk, may carbohydrates, protein, at immunoglobulins na proteksiyon 'yun para hindi magkasakit ang mga bata", paliwanag ni Domingo.

Kabilang sa mga sumali si May Padua at ang anim na buwan niyang bunso na mula San Guillermo, Isabela.

Naniniwala si Padua na maganda ang maidudulot ng breastfeeding sa kalusugan ng kanyang sanggol.

Kuwento pa niya, produkto rin ng breastfeeding ang panganay niya na tatlong taong gulang na ngayon at naoobserbahan niya na mas malusog at hindi sakitin ito. 

"Mas mabigat at hindi siya sakitin, in short, malusog siya", sabi ni Padua.

Ganito rin ang obserbasyon ng nanay na si Judy Ann Fiado ng Santiago, City. Tatlo ang kanyang anak at lahat ay dumaan sa breastfeeding.

Maliban aniya sa malulusog ang kanyang mga anak, matatalino din ang mga ito.

"Mahirap ang magpa-breastfeed pero worth it naman ito kapag malaki na sila. Matalino din sila," ani Fiado.

Pinatutunayan naman ito ng mga eksperto na bukod sa maganda sa kalusugan ng sanggol ang gatas ng ina, nakatatalino rin ito.

"Kapag breastfeeding, usually mas matalino sila, at kung mas matalino sila, mas magiging matalino pa sila. Ang mga nanay naman ay hindi na kailangan na bumili ng formula milk, mas malaki ang savings nila," paliwanag ni Domingo.

Payo ng doktor sa mga ina, ugaliing kumain ng gulay lalo na ang malunggay na sagana sa calcium, para magkaroon ng sapat na gatas.

Samantala, nakilahok din sa simultaneous breastfeeding ang ibang siyudad tulad ng Santiago at Baguio City.

-- Ulat nina Grace Alba at Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.